← Back

Sa Bawat Tawag

Feature • 2025-12-29 15:21:55 • 👁 7 views

Ni: Jayson C. Ortega

 May mga sandaling akala mo ay ordinaryo lamang ang lahat. Araw na dumaraan, usapang paulit ulit, mga tinig na pamilyar na. Ngunit may mga salitang biglang hahaplos sa’yo, hindi dahil bago sila, kundi dahil sa paraan ng pagkakabigkas. Sa paraang hindi mo inaasahan, mapapahinto ka saglit at mapapansin mong may kumikirot at umiinit sa dibdib.

“Kuya.”

“Tay.”

 “Pres.”

 Hindi sila binibigkas upang ipaalala kung sino ka. Binibigkas sila dahil may nararamdaman. Dahil may tiwala. Dahil may ugnayang unti unting nabuo kahit walang malinaw na simula. Kapag tinawag kang “Kuya,” may kasamang paglapit. Parang sinasabing ligtas kang lapitan at maaari kang pakinggan. Kapag tinawag kang “Tay,” may lambing na hindi humihingi ng paliwanag. Isang tawag na nagsasabing maaari kang sandalan kahit hindi mo sabihing pagod ka na. At kapag tinawag kang “Pres,” hindi ito naglalayo. Sa halip, inilalapit ka nito bilang tao. Hindi ko kailanman hiniling ang mga tawag na ito. Hindi ko sila pinangarap o ipinagpilitan. Marahil kusa silang dumarating sa mga panahong pinili mong manatili kahit walang kasiguraduhan. Sa mga sandaling mas pinili mong makinig kaysa magsalita. Sa mga araw na ikaw mismo ay may dinadala ngunit pinili mo pa ring umunawa. May mga pagkakataong mas mahalaga pala kung paano ka tinatawag kaysa kung ano ang tawag sa’yo sa papel. Dahil ang mga salitang nagmumula sa respeto ay hindi kailangang ipaliwanag. Nararamdaman sila. At kapag naramdaman, nagiging pahinga. Sa bawat “Kuya,” may paglapit. Sa bawat “Tay,” may pagyakap. Sa bawat “Pres,” may pagkilalang hindi maingay ngunit totoo. At sa dulo, napagtatanto ko na ang mga tawag na ito ay hindi gantimpala. Isa silang paalala. Paalala na may mga taong nakaramdam ng pag aaruga. Na may mga pusong nakakita ng presensiya kahit hindi perpekto. Na minsan, sapat nang maramdaman mong may tiwala sa’yo upang magpatuloy. Sa bawat tawag, may pusong napupuno. At kapag napuno ang puso, nagiging sapat ang lahat.