← Back

OPINYON | Bagong Taon, Bagong Oras: Panahon na Bang Iwan ang “Filipino Time”? Ni: Jayson C. Ortega

Opinion • 2025-12-31 08:35:56 • 👁 10 views

“Guys, may practice bukas ng 8:00 AM.”,  “Guys, may meeting mamayang 9:00 PM.”

Mga anunsyong nagbibigay ng pag-asa,pag-asang madalas ding nadedelay.

 Sa kulturang Pilipino, tila may sariling time zone ang mga Pilipino. Hindi GMT, hindi PST, kundi FT, Filipino Time. Isang hindi opisyal ngunit napaka-epektibong sistema kung saan ang “on time” ay suggestion lamang, at ang “late” ay inaasahan na.

 Kapag sinabi ng organizer na alas-otso ang simula, ang hindi tinatanong ay kung anong oras ito magsisimula, kundi kung gaano kalate magsisimula.

Maging sa mga programa, practice, meeting, at kahit simpleng lakad, malinaw ang pattern.

Kapag alas-otso ang call time, darating ang ilan ng alas-otso y medya para “maaga,” ang iba alas-nuwebe para “sakto,” at may darating ng alas-dyes na may linyang, “Okay lang ba? Di pa naman nagsisimula, ‘di ba?” At kadalasan, tama pa siya,hindi pa nga nagsisimula.

Maraming dahilan ang palaging handang ihain. Late nagising dahil nag-alarm pero pinatay. Na-traffic kahit hindi pa lumalabas ng bahay. May biglang errand na “sandali lang” pero umabot ng isang oras. At syempre, ang pinakapaboritong dahilan: “Pasensya na, Filipino Time.” Isang dahilan na parang magic word, kapag binanggit, awtomatikong nawawala ang kasalanan.

Ngunit sa likod ng mga biro, may seryosong tanong na kailangang sagutin. Hanggang kailan natin gagawing katatawanan ang hindi pagrespeto sa oras? Ang oras na nasasayang ay oras na hindi na mababawi. Habang may nahuhuli, may naghihintay. Habang may nagpapalipas, may naghahanda. At habang may nagsasabing “sandali lang,” may ibang napapagod sa kakahintay.

Ang oras ay hindi lamang sukatan ng oras,ito ay sukatan ng respeto. Respeto sa kapwa, sa organisasyon, at sa layunin ng isang gawain. Sa bawat minutong pinababayaan, unti-unti nating binabawasan ang disiplina at tiwala sa loob ng isang grupo. Hindi man ito agad napapansin, ramdam ito kapag palaging delayed ang programa, minamadali ang agenda, o nauuwi sa “next time na lang.”

 Ngayong papasok ang Taong 2026, marahil panahon na upang gawing seryoso ang isang simpleng pagbabago. Hindi kailangang ideklarang tapos na ang Filipino Time sa isang iglap,dahil baka ma-late pa iyon. Ngunit maaari natin itong simulan bilang isang personal na New Year’s resolution: ang umalis ng bahay nang mas maaga, ang mag-set ng alarm na hindi pinapatay, at ang ituring ang oras ng iba na kasinghalaga ng sarili nating oras. Kung kaya nating maghintay ng countdown tuwing Bagong Taon nang eksaktong alas-dose, marahil kaya rin nating dumating sa meeting sa tamang oras.

Sa huli, ang tunay na pagbabago ay hindi nagsisimula sa malaking kampanya o mahabang talumpati. Nagsisimula ito sa simpleng desisyon , ang piliing dumating sa oras. Dahil sa Bagong Taon na ito, baka panahon na ring dumating tayo hindi lang sa mga lakad, kundi sa responsibilidad.