Interactive Learning Materials: Matapos ang palakpakan, ano ang naitala?
Sa loob ng mga organisasyong pang mag aaral, ang ulat ay hindi lamang rekord ng mga naganap na aktibidad. Ito ay opisyal na dokumentong nagtatakda ng antas ng pananagutan, transparency, at institusyonal na integridad ng isang pamunuan. Sa pamamagitan ng accomplishment at liquidation reports, nasusukat kung paanong ang mga plano ay naisalin sa aktuwal na gawain at kung paanong ang pondong ipinagkatiwala ay ginamit at naitala.
Noong Pebrero 2, 2025 during Educ Fest 2025 , isinagawa ng TLEaders’ League ang Interactive Learning Materials Contest, isang aktibidad na idinisenyo upang paunlarin ang kakayahang pedagogical, teknolohikal, at malikhaing aspeto ng mga pre-service teachers. Ang patimpalak ay isinagawa bilang suporta sa layunin ng Association of Young Mentors, ang mother organization ng TLEaders’ League sa Teacher Education Department, na nagbibigay ng platapormang humuhubog sa inobasyon sa pagtuturo.
Ayon sa mga rekord ng aktibidad, hinarap ng patimpalak ang ilang hamon sa implementasyon. Dalawang grupo lamang ang nakalahok mula sa inaasahang apat, at nagkaroon ng pagkaantala sa pagsisimula ng programa dahil sa hindi agarang pagbubukas ng Computer Laboratory. Gayunman, itinuloy ang kompetisyon at kinilala ng mga hurado ang kalidad ng mga ipinakitang interactive learning materials, na itinuturing na patunay ng kahandaan ng mga kalahok bilang mga magiging guro.
Ang aktibidad ay pinamunuan ni Emerson V. Pandaan, noo’y Pangulo ng organisasyon at itinalagang Activity Head ng patimpalak. Batay sa impormasyong ibinahagi sa mga opisyal na talakayan, kinailangan niyang lisanin ang venue sa araw ng aktibidad dahil sa personal na dahilan kaugnay ng kanyang paninirahan at pag-uwi sa Sorsogon. Ang pamamahala ng programa ay naipasa sa Co-Chairman na si Jc James C. Flacon, dating External Vice President, upang matiyak ang pagpapatuloy ng aktibidad.
Bagama’t naisakatuparan ang patimpalak, ang masusing pagsusuri sa mga dokumentong kailangang isumite pagkatapos ng aktibidad ay nagbukas ng mga katanungang hindi agad nasagot.
Sa mga sumunod na buwan, nanatiling hindi pa rin ganap na naisusumite ang accomplishment report at liquidation report ng Interactive Learning Materials Contest. Sa isang espesyal na pulong na ipinatawag sa bisa ng Memorandum No. 3, Series of 2025, noong Setyembre 9, 2025, tinalakay ng mga dating opisyal ang usapin ng mga nawawalang resibo na may kaugnayan sa gastusin ng aktibidad.
Batay sa opisyal na tala ng pulong, kinumpirma ng lupon na may halagang ₱624.00 na hindi pa rin maipaliwanag sa liquidation report dahil sa kakulangan ng dokumentaryong patunay. Bilang pansamantalang hakbang upang maresolba ang usapin, napagkasunduan ng katawan ang isang resolusyon na nagtatakda ng paghahati ng naturang halaga. Limampung porsiyento ay sasagutin ng dating Activity Head, habang ang natitirang kalahati ay pantay-pantay na hahatiin ng labinlimang dating opisyal.
Kasama rin sa resolusyon ang itinakdang petsa ng pinal na pagsusumite ng accomplishment report at liquidation report noong Setyembre 9, 2025. Sa oras ng pagsulat ng artikulong ito, ang mga nasabing dokumento ay nananatiling hindi pa rin ganap na naipapasa.
Mahalagang bigyang diin na ang mga impormasyong nakapaloob sa artikulong ito ay nakabatay sa mga opisyal na rekord, resolusyon, at pormal na talakayan ng organisasyon. Hindi nito layong magpataw ng personal na pananagutan sa sinuman kundi ilahad ang mga pangyayaring may kinalaman sa proseso ng pamamahala at dokumentasyon.
Sa mas malawak na konteksto, ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng malinaw na sistema ng turnover, maagang pagsasapinal ng mga ulat, at kolektibong pananagutan ng mga opisyal. Ang transparency ay hindi natatapos sa pagdaraos ng isang aktibidad kundi nagpapatuloy hanggang sa huling pahina ng ulat at sa huling sentimong naitala. Sa puntong ito, matapos ang re-accreditation ng organisasyon, ang anumang pagkukulang sa dokumentasyon ay hindi na mababawi, kaya’t ito ay tumitigil bilang pormal na tala ng nakaraang pamunuan.
Ang Interactive Learning Materials Contest ay nananatiling mahalagang bahagi ng mga programang nagtataguyod ng inobasyon sa edukasyon. Gayunman, ang mga aral na iniwan nito ay hindi lamang akademiko kundi institusyonal. Ang pamumuno ay nasusukat hindi lamang sa kakayahang magsagawa ng mga proyekto kundi sa kahandaang harapin, ayusin, at tapusin ang mga responsibilidad na kaakibat ng mga ito.
Sa huli, ang Interactive Learning Materials Contest ay hindi lamang patunay ng sigasig at talento ng mga kalahok. Ito rin ay paalala sa mga susunod na henerasyon ng lider na ang tunay na pamumuno ay nasusukat hindi lamang sa matagumpay na aktibidad kundi sa kahusayan sa dokumentasyon, pagsunod sa proseso, at kolektibong pananagutan. Ang bawat ulat at tala ay bahagi ng pamana ng pamunuan, at ang hindi maibabalik na pagkakataon upang ayusin ang mga ito ay nagsisilbing leksyon: sa mundo ng organisasyong pang-estudyante, ang integridad at transparency ay kasinghalaga ng anumang nakamit na proyekto.