← Back

OPINION | DEADLINES BA AY PARA SA MGA ESTUDYANTE LANG?

Opinion • 2026-01-10 04:42:55 • 👁 11 views

May mga sandali sa kolehiyo na tahimik pero mabigat. Hindi ito palaging exam week o defense. Minsan, simpleng pagbukas lang ng cellphone sapat na para kumabog ang dibdib. Sa bawat pag tap sa IBU application, may kasamang kaba. Hindi dahil kulang ang effort ng estudyante kundi dahil hindi sigurado kung naroon na ang grades at kung kailan ito tuluyang lalabas.

May malinaw na itinatakdang panahon ang University para sa pagre release ng grades. Hindi ito pabor kundi responsibilidad. Ang marka ay hindi lamang numero sa system kundi may direktang epekto sa enrollment, scholarship, clearance, at maging sa personal na direksyon ng isang estudyante. Gayunpaman, tila mas ramdam ang bigat ng deadline kapag estudyante ang kaharap kaysa kapag usapin na ng paglalabas ng grades.

Pinagmamamadali ang mga estudyante sa pagpasa ng course requirements. Sunod sunod ang projects, performance tasks, at outputs na may mahigpit na petsa. Kapag late ang submission, may bawas agad. Kapag hindi nasunod ang instructions, may katapat na marka. Tinuturuan ang mga estudyante ng disiplina at pananagutan. Ngunit kapag grades na ang usapan, tila nagiging negotiable ang oras.

Hindi maikakaila na maraming Faculty ang overloaded at patuloy na gumaganap ng tungkulin kahit lampas sa oras ng trabaho. May mga valid na dahilan kung bakit nahuhuli ang pagre release ng grades. Tao rin ang mga guro at hindi dapat maliitin ang kanilang sakripisyo. Ngunit kasabay ng paghingi ng pang unawa ay ang pangangailangan din ng pananagutan.

Dito pumapasok ang kahalagahan ng faculty evaluation. Ang evaluation ay hindi lamang formalidad na pinapasa sa dulo ng semestre. Ito ay mekanismo ng boses ng mga estudyante. Isang paraan upang maipahayag kung ang mga patakaran ay naipapatupad nang patas at kung ang respeto sa oras ay umiiral sa loob ng silid aralan. Kung ang mga estudyante ay sinusukat base sa pagsunod sa deadline, nararapat lamang na masukat din ang Faculty sa parehong pamantayan ng propesyonalismo at responsibilidad.

Mas lalong bumibigat ang usapin kapag ang grades ay late na nga at tila hindi sumasalamin sa effort na ibinigay. Hindi ito para mag generalize. Maraming guro ang makatarungan, malinaw magbigay ng rubrics, at bukas sa konsultasyon. Ngunit ang mga ganitong karanasan ang dahilan kung bakit mahalagang seryosohin ang faculty evaluation bilang bahagi ng akademikong proseso at hindi lamang bilang requirement na kailangang tapusin.

Sa bawat pagtingin sa IBU app, may halong kaba hindi dahil sa kakulangan ng paghahanda kundi dahil sa kakulangan ng kasiguraduhan. Ang edukasyon ay dapat nagbibigay ng malinaw na direksyon at kumpiyansa, hindi dagdag na pangamba. Ang sistema ay dapat gumana para sa lahat at hindi lamang para sa iisang panig.

Ang bottom line ay malinaw. Ang deadline ay hindi dapat panuntunang ipinapatupad lamang sa mga estudyante. Kung hinihingi ang mahigpit na pagsunod sa oras at kalidad ng outputs, nararapat lamang na ang parehong pamantayan ay sundin din sa pagre release ng grades. At kung may mekanismo para marinig ang boses ng estudyante, tulad ng faculty evaluation, dapat itong pahalagahan at gamitin bilang daan tungo sa mas patas at makataong akademikong sistema.